Tata Selo ni Rogelio Sikat



Tata Selo ni Rogelio Sikat

Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan. Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa'y naghahangan makalapit sa istaked. "Totoo ba, Tata Selo?" "Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya." Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao. "Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo," umiiling na wika ng kanyang kahangga, "talagang hindi ko ho mapaniwalaan." Hinaplus-haplos ni tata Selo ang ga-daliri at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nagsasalisod na alikabok. "Bakit niya babawiin ang saka?" tanong ng Tata Selo. "Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba't kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?" Hndi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan. Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa," anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at nakapamaywang habang naninigarilyo. "Binabawi po niya ang aking saka," sumbong ni Tata Selo. "Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?" Kumumpas ang binatang mayaman. "Hindi katwiran iyan para tagain mo ang Kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras." Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas. "Ako po'y hindi ninyo nauunawaan," nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinapakan pagkatapos. "alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng Kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masasaka man lamang po.nakikiusap po ako sa Kabesa kangina. 'kung maaari po sana, 'Besa'', wika ko po, 'kung maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, 'Besa. Totoo pong ako'y matanda na, ngunit ako pa nama'y malakas pa.' Ngunit…Ay! Tinungkod po niya ako nang tinungkod, Tingnan po n'yong putok sa aking noo, tingnan po 'nyo." Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa'y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis. "Pa'no po ba'ng nangyari, Tata Selo?" Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik. "Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang," paliwanag ni Tata Selo. "Doon ba sa may sangka. Pinaalis ako sa aking saka, ang wika'y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako'y tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?" "Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo." Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata. "Patay po ba?" Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat. "Pa'no po niyan si Saling?" muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. "Pa'no po niyan si Saling?" Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng dalawang upang mahawi ang hanggang noo'y di pa nag-aalisang tao. Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked. "Patay po ba? Saan po ang taga?" Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas ng may-katabaang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe. "Saan po tinamaan?" "Sa bibig." Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing ihinagod hanggang sa kanang punog tainga. "Lagas ang ngipin." Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw ng batuta ang mga pulis. Ipinasya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked. "Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo," anang alkalde pagkapasok ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa. 

"Pa'no nga ba'ng nangyari?" kunot at galit na tanong ng alkalde. Matagal bago nakasagot si Tata Selo. "Binawi po niya ang aking saka, Presidente," wika ni Tata Selo. "Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo-" "Alam ko na iyan," kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde. Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. "Ako po naman, Presidente, ay malakas pa," wika ni Tata Selo. "Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po." "Saan mo tinaga ang Kabesa?" Matagal bago nakasagot si Tata Selo. "Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po'y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po'y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka. 'Bakit po naman, 'Besa?' tanong ko po. Ang wika'y umalis na lang daw po ako. 'Bakit po naman, 'Besa?' Tanong ko po uli, 'malakas pa po naman ako, a' Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po'y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod." "Tinaga mo na no'n," anag nakamatyag na hepe. Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin-may mga eskribante pang nakapasok doon-ay nakatuon kay Tata Selo. Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa. "Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?" usisa ng alkalde. Hindi sumagot si Tata Selo. "Tinatanong ka anang hepe." Lumunok si Tata Selo. "Umuwi na po si Saling, Presidente." "Kailan?" "Kamakalawa po ng umaga." "Di ba't kinakatulong siya ro'n?" "Tatlong buwan na po." "Bakit siya umuwi?" Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na napayuko siya. "May sakit po siya." Nang sumapit ang alas-dose-inihudyat iyon ng sunod-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo-ay umalis ang alkalde upang mananghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis. "Napatay mo pala ang kabesa," anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na Nakayuko at di pa natitinag sa upuan. "Binabawi po niya ang aking saka." Katwiran ni Tata Selo. Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata Selo. "Tinungkod po niya ako ng tinungkod," nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo. Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa uniporment kaki ng hepe. "Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod ng tinungkod…" 
Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis. "Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e," sinabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe. Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng buwang iyo'y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas. "Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo," anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. "Don ka suguro ikukulong." Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya'y natutuyong tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, naka-sandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon. "Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo," patuloy ng alkalde. Nagsindi ito ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde. "Patayin na rin ninyo ako, Presidente." Paos at bahagya nang narinig si Tata Selo. Napatay ko po ang Kabesa. Patayin na rin ninyo po ako." Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya nahipo ang rehas ngunit pinagkiskis niya ng mga palad at tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito. May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat isa'y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal. Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol. Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito'y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siyang dalawang pulis. Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente. Nagyakap ang mag-ama pagkakita. "Hindi ka na sana naparito Saling," wika ni Tata Selo na napaluhod. "May sakit ka, Saling, may sakit ka!" Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis. "Umuwi ka na, Saling" hiling ni Tata Selo. "Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi…" Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na naman siya ng mga tao. "Kinabog kagabi," wika ng isang magbubukid. "Binalutan ng basang sako, hindi ng halata." "Ang anak, dumating daw?" "Naki-mayor." Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya'y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa'y ilang sandali ring iyo'y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya. "Tata Selo…Tata Selo…" Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya. Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon. Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya. "Nando'n amang si Saling sa Presidente," wika ni Tata Selo. "Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo." Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata'y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa'y takot at bantulot nang sumunod… Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo'y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata'y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo'y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi. Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento