Ang Luha
ni Rufino Alejandro
Wala unang pagsisisi, ito'y laging nasa huli.Daloy aking luha…Daloy aking luha, sa gabing malalim.
Sa iyong pag-agos, ianod mo lamang ang aking damdamin, hugasan ang puso—yaring abang pusong luray sa hilahil, nang gumaan-gumaan ang pinapasan ko na libong tiisin!
Nang ako'y musmos pa at bagong namukad yaring kaisipan, may biling gayari si Ama't si Ina bago sumahukay. "Bunso, kaiingat sa iyong paglakad sa landas ng buhay ang ikaw'y mabuyo sa gawang masama'y dapat mong iwasan."
Nang ako'y lumaki, ang pahat kong isip ay biglang nagpakpak, ng kapalalua't ang aral ni Ama't ni Ina'y hinamak; sa maalong dagat ng buhay sa mundo'y nag-isang lumayag, iniwan sa pampang ang timbulang baon na aking tinanggap!
Malayang tumungga sa sarong may lason ng kaligayahan na itong huli na'y nakilalang alak na nakamamatay. Ang pinagbataya'y dapat magpasasa sa kasalukuya't isang "Bahala na!" ang tanging iniukol sa Kinabukasan!
Kaya naman ngayon, sa katandaan ko ay walang nalabi kundi ang lasapin ang dita ng isang huling pagsisisi; tumangis sa labi ng sariling hukay ng pagkadugahi't iluha ang aking palad na nasapit na napakaapi!
Daloy, aking luha…Dumaloy ka sa ngayon at iyong hugasan ang pusong nabagbag sa pakikibaka sa dagat ng buhay; ianod ang dusang dulot ng tinamong mga kabiguan. Nang yaring hirap ko't susun-susong sakit ay gumaan-gaan!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento