Miyerkules, Disyembre 4, 2013

Disyembre 4, 2013

Disyembre 4, 2013
                 Ngayong araw ay ipinasa na namin ang aming takdang aralin pumili ng mga larawan ang aming guro at pinapaliwanag ang mga ito. Tinukoy din namin ang teoryang nakapalagay sa akdang Banyaga ito ay ang toeryang Feminismo, Ito ay tumutukoy sa kalakasan at kahinaan ng babae sa loob ng akda. Nag iwan ng pangkatan ang aming guro para ipresinta bukas.

Martes, Disyembre 3, 2013

Disyembre 3, 2013

Disyembre 3, 2013
                 Sa araw na ito ay tinalakay namin ang akdang Banyaga ni Liwayway Arceo. Tumutukoy ito sa isang babaeng nangibang bansa. Nagbago ang tingin ng lahat ng siya ay bumalik sa kanyang kinagisnang bayan dahil na rin sa kakaiba nyang pagaayos. Ngunit hindi masyadong naunaawan ang akda kaya itutuloy ang talakayan sa susunod na araw. Bilang takdang aralin ay pinadadala kami ng mga larawan ng mga babaeng nagtagumpay sa ibat-ibang larangan.

Lunes, Disyembre 2, 2013

Disyembre 2,2013

Disyembre 2,2013
                 Una naming tinalakay ang mga babaeng nagtagumpay sa ibat-ibang larangan. Sinunod na namin ang akdang Banyaga ni Liwayway  Arceo. Nahirapan akong intindihin ang akda dahil sa mga salitang ginamit ngunit naunawaan ko ito dahil sa paliwanag ni Gng.Mixto.
                 Pagkatapos ng klase ay hindi ako agad umuwi dahil madami pa akong ginawa sa paaralan. Sa bahay maghapon akong nanood ng telebisyon at umalis upang maglibang ng kaunti.

Sabado, Nobyembre 30, 2013

Nobyembre 21,2013

Nobyembre 21,2013               
                      Ngayong araw na ito,nagbalik-aral kami tungkol sa akdang Tata Selo.Pagkatapos naman ay tinalakay din ang teoryang nakapaloob dito na Teoryang Dekonstruksyon.Sa teoryng ito,nagbabago ang pananaw at ideya ng tao kapag nalaman mo na ang tunay na kuwento nito.katulad na lamang nito na itinuturing na kriminal si Tata Selo at ang biktima naman ay si Kabesang Tano,ngunit kung susuriin ang ang pahayag sa akda,malalaman natin na si Tata Selo pala ang biktima at si Kabesang Tano naman ang kriminal.Binigyan kami ng takdang aralin na gumawa ng islogan patungkol sa paksa ng akda.Mabilis ang talakayan pagkat 35 mminutos lamana ang ibinigay sa aming guro.

Nobyembre 22, 2013

Nobyembre 22, 2013
                   Ngayong araw ay tinuon namin ang aming pansin kung bakit ayaw pa ni Tata Selo na magsumbong si Saling sa mga kinauukulan. Dahil sa dignidad na kanilang pinangangalagaan kahit na mahirap lang sila.

Biyernes, Nobyembre 29, 2013

Nobyembre 29,2013

Nobyembre 29,2013
                   WALA si maam hahahahahahaha!!! Kaya si Gg.Mixto ang humalili sa kanya.
tinalakay namin ang kahalagahan ng pagaaral at mga hindi karaniwang pangyayari sa akda!

Huwebes, Nobyembre 28, 2013

Nobyembre 28, 2013

Nobyembre 28, 2013
                   Natutunan ko nagyon ang tungkol sa dulang pansuliranin na ang halimbawa ay ang sinag sa karimlan dahil ito ay naglalaman ng mga suliraning panlipunan.

Miyerkules, Nobyembre 27, 2013

Nobyembre 27, 2013

Nobyembre 27, 2013
                   Binalikan namin ang antas ng wika at ang kahalagahan nito. Itinanung ni Gng.Mixto kung anu-ano ang mga isyung nakapaloob sa akdang Sinag sa Karimlan. Isang pangkatan ulit ang isinagawa upang lubus itong maunawaan!!

Martes, Nobyembre 26, 2013

Nobyembre 26, 2013

Nobyembre 26, 2013
                   Sa araw na ito ay nakatuon kami sa paguulat ng mga pangkat upang mas maunawaan ang akdang tinatalakay. Pinagaralan din namin ang antas ng wika na mahalaga upang malaman mo kung anung wika ang mas magkakaunawaan kayo ng kausap mo.

Lunes, Nobyembre 25, 2013

Nobyembre 25,2013

Nobyembre 25,2013
                   Sa simula ng aming klase ay unag itinanong ng aming guro kung anu ang maiisip pag narinig ang salitang BILANGGO!
Naitanung din kung anu ang konotasyon at denotasyong kahulugan ng Sinag Sa Karimlan. Naibahagi din sa klase ang ibat-ibang uri ng pagkakakulong(sa pagibig, kasalanan, nakaraan at marami pang iba). Ang pangkat isa ang nag-ulat ng  akdang Sinag Sa Karimlan ni Dionisio Salazar.

Miyerkules, Nobyembre 20, 2013

Nobyembre 20,2013

Nobyembre 20,2013
                   Ngayong araw ay mas natutu ako na dapat mas suriin ang akdang binabasa kung gusto mo talagang munawaan ang gusto nyang iparating. Nalaman ko din ang mas matinding dahilan ni tata Selo kung balit nya napatay si kabesang tano dahil sa kanyang anak na ginahasa nito.

Martes, Nobyembre 19, 2013

Nobyembre 19,2013

Nobyembre 19,2013
                    Ibinahagi ni Gng. Mixto ang katagang "Walang alipin kung Walang papaalipin" ito ay tumutukoy sa Akdang Tata Selo ni Rogelio Sikat. Kami ang nagulat nito sa paraang padula ngunit masyadong mahaba. Natuto din ako bagong bagong salitang AMBA.

Lunes, Nobyembre 18, 2013

Nobyembre 18,2013

Nobyembre 18,2013
                    Pinagaralan namin ang mga karapatang pambata na itinakda ng United NAtion's Children's Fund. Sinulat namin ang mga karapatang hindi naibibigay samin. Naisip ko na maswerte ako dahil hindi aq natulad kay Adong!

Biyernes, Nobyembre 15, 2013

Nobyembre 15,2013

Nobyembre 15,2013
                    Sa araw na ito ay binlikan namin ang Teoryang Naturalismo at Ang akda mismo. Itinunoon namin ang aming pansin kung namatay ba si Adong sa kawakasan ng akda???
Sa huli ang pahayag na ito "kumanlong kay Adong ang kapayapaan" ang nagpatunay na namatay nga siya sa kawakasan ng akda.

Huwebes, Nobyembre 14, 2013

Nobyembre 14,2013

Nobyembre 14,2013
                    Sa araw na ito ay nalaman namin na ang teoryang Naturalismo ang mas nangibabaw sa akdang Mabangis Na Lungsod. Sa huli ay pinagtaunan namin kung anu ba talaga ang nangyari kay Adong sa kawakasan ng akda.

Miyerkules, Nobyembre 13, 2013

Nobyembre 13,2013

Nobyembre 13,2013
                    Nagbigay ng pagsusulit tungkol sa mga parirala hango mula sa Mabangis Na Lungsod. Dahil dito ay mas higit pa namin itong maunawaan at mas malaman namin ang gustong iparating ng manunulat para sa kanyang mga mambabasa.

Martes, Nobyembre 12, 2013

Nobyembre 12,2013

Nobyembre 12,2013
               Ngayung araw na ito,nagtanong ang aming guro kung  sinu-sino nag nakapunta na sa Quiapo,Maynila at anu-ano ba ang ating makikita doon.Binigyan niya kami ng gawain at umalis siya saglit.Pagbalik niya ay iniwasto din namin ito agad  .Pagkatapos nyan ay iniulat ng pangkat III ang Mabangis na Lungsod ni Efren Abueg at iniakto ng kanilang dalawang mga kagrupo aang senaryo nina Adong at Bruno.

Lunes, Nobyembre 11, 2013

Nobyembre 11,2013

Nobyembre 11,2013
                    Ngayong araw na ito,iniwasto namin ang pagsusulit tungkol sa akdang Sa Pula Sa Puti.Pagkatapos ay iniwasto rin namin ang lathalain na tungkol sa pag-iwas sa pagsusugal at pinatakdang aralin sa amin ang akdang Mabangis na Lungsod ni Efren Abueg.

Sabado, Nobyembre 9, 2013

Ang Aming Larawan ng aking Ina


Ang Aming Larawan ng aking Ina na Nagpapatunay na kanyang nabasa ang aking liham 

Biyernes, Nobyembre 8, 2013

Nobyembre 8,2013

Nobyembre 8,2013
                   Isang malalaking walang pasok dahil sa Yolanda!

Huwebes, Nobyembre 7, 2013

Nobyembre 7, 2013

Nobyembre 7, 2013
                   Binalikan namin ang akda at binigay ang masasamang dulot ng pagsusugal para sa aming gagawing gawain. Para sa araw na ito ay kailangan naming gumawa ng isang "LATHALAIN" tungkol sa paano masusulusyunan ang pagkalulung sa sugal.

Miyerkules, Nobyembre 6, 2013

Nobyembre 6,2013

Nobyembre 6,2013
                   Sa araw na ito ay tinalakay namin ang mga paninindigang ginawa ng mga tauhan sa akda na kasalukuyang tinatalakay namin. Sinuri dn namin kung katanggap tanggap ba o hindi yung kanilang desisyon.

Martes, Nobyembre 5, 2013

Nobyembre 5, 2013,

Nobyembre 5, 2013,
                   Masaya ang pangkatan namin ngaun pagkatapos naming iulat ang mga desisyon ng mga tauhan sa akdang Sa Pula, Sa Puti. Pinagaralan din namin ang mga matataling hagang salita sa loob ng  akda.

Lunes, Nobyembre 4, 2013

Nobyembre 4, 2013,

Nobyembre 4, 2013,
                  Tinalakay namin ang akda ni Francisco Soc Rodrigo na inulat ng Pangkat 2 at nagkaroon ng gawain ukol dito, bago pala ito ay muli naming binalikan ang akdang Banaag at Sikat.

Biyernes, Nobyembre 1, 2013

Tata Selo ni Rogelio Sikat


Tata Selo ni Rogelio Sikat

Maliit lamang sa simula ang kalumpon ng taong nasa bakuran ng munisipyo, ngunit ng tumaas ang araw, at kumalat na ang balitang tinaga at napatay si Kabesang Tano, ay napuno na ang bakuran ng bahay-pamahalaan. Naggitgitan ang mga tao, nagsiksikan, nagtutulakan, bawat isa'y naghahangan makalapit sa istaked. "Totoo ba, Tata Selo?" "Binawi niya ang aking saka kaya tinaga ko siya." Nasa loob ng istaked si Tata Selo. Mahigpit na nakahawak sa rehas. May nakaalsang putok sa noo. Nakasungaw ang luha sa malabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. Kupas ang gris niyang suot, may mga tagpi na ang siko at paypay. Ang kutod niyang yari sa matibay na supot ng asin ay may bahid ng natuyong putik. Nasa harap niya at kausap ang isang magbubukid ang kanyang kahangga, na isa sa nakalusot sa mga pulis na sumasawata sa nagkakagulong tao. "Hindi ko ho mapaniwalaan, Tata Selo," umiiling na wika ng kanyang kahangga, "talagang hindi ko ho mapaniwalaan." Hinaplus-haplos ni tata Selo ang ga-daliri at natuyuan na ng dugong putok sa noo. Sa kanyang harapan, di kalayuan sa istaked, ipinagtitilakan ng mga pulis ang mga taong ibig makakita sa kanya. Mainit ang Sikat ng araw na tumatama sa mga ito, walang humihihip na hangin at sa kanilang ulunan ay nakalutang ang nagsasalisod na alikabok. "Bakit niya babawiin ang saka?" tanong ng Tata Selo. "Dinaya ko na ba siya sa partihan? Tinuso ko na ba siya? Siya ang may-ari ng lupa at kasama lang niya ako. Hindi ba't kaya maraming nagagalit sa akin ay dahil sa ayaw kong magpamigay ng kahit isang pinangko kung anihan?" Hndi pa rin umalis sa harap ng istaked si Tata Selo. Nakahawak pa rin siya sa rehas. Nakatingin siya sa labas ngunit wala siyang sino mang tinitingnan. Hindi mo na sana tinaga ang Kabesa," anang binatang anak ng pinakamayamang propitaryo sa San Roque, na tila isang magilas na pinunong bayan nakalalahad sa pagitan ng maraming tao sa istaked. Mataas ito, maputi, nakasalaming may kulay, at nakapamaywang habang naninigarilyo. "Binabawi po niya ang aking saka," sumbong ni Tata Selo. "Saan pa po ako pupunta kung wala na akong saka?" Kumumpas ang binatang mayaman. "Hindi katwiran iyan para tagain mo ang Kabesa. Ari niya ang lupang sinasaka mo. Kung gusto ka niyang paalisin, mapapaalis ka niya anumang oras." Halos lumabas ang mukha ni Tata Selo sa rehas. "Ako po'y hindi ninyo nauunawaan," nakatingala at nagpipilit ngumiting wika niya sa binatang nagtapon ng sigarilyo at mariing tinapakan pagkatapos. "alam po ba ninyong dating amin ang lupang iyon? Naisangla lamang po nang magkasakit ang aking asawa, naembargo lamang po ng Kabesa. Pangarap ko pong bawiin ang lupang iyon kaya nga po ako hindi nagbibigay ng kahit isang pinangko kung anihan. Kung hindi ko na naman po mababawi, masasaka man lamang po.nakikiusap po ako sa Kabesa kangina. 'kung maaari po sana, 'Besa'', wika ko po, 'kung maaari po sana, huwag naman po ninyo akong paalisin. Kaya ko pa pong magsaka, 'Besa. Totoo pong ako'y matanda na, ngunit ako pa nama'y malakas pa.' Ngunit…Ay! Tinungkod po niya ako nang tinungkod, Tingnan po n'yong putok sa aking noo, tingnan po 'nyo." Dumukot ng sigarilyo ang binata. Nagsindi ito at pagkaraa'y tinalikuran si Tata Selo at lumapit sa isang pulis. "Pa'no po ba'ng nangyari, Tata Selo?" Sa pagkakahawak sa rehas, napabaling si Tata Selo. Nakita niya ang isang batang magbubukid na nakalapit sa istaked. Nangiti si Tata Selo. Narito ang isang magbubukid, anak-magbubukid na naniniwala sa kanya. Nakataas ang malapad na sumbrerong balanggot ng bata. Nangungulintab ito, ang mga bisig at binti ay may halas. May sukbit itong lilik. "Pinuntahan niya ako sa aking saka, amang," paliwanag ni Tata Selo. "Doon ba sa may sangka. Pinaalis ako sa aking saka, ang wika'y iba na raw ang magsasaka. Nang makiusap ako'y tinungkod ako. Ay! Tinungkod ako, amang, nakikiusap ako sapagkat kung mawawalan ako ng saka ay saan pa ako pupunta?" "Wala na nga kayong mapupuntahan, Tata Selo." Gumapang ang luha sa pisngi ni Tata Selo. Tahimik na nakatingin sa kanya ang bata. "Patay po ba?" Namuti ang mga kamao ni Tata Selo sa pagkakahawak sa rehas. Napadukmo siya sa balikat. "Pa'no po niyan si Saling?" muling tanong ng bata. Tinutukoy nito ang maglalabimpitong anak ni Tata Selo na ulila na sa ina. Katulong ito kina Kabesang Tano at kamakalawa lamang umuwi kay Tata Selo. "Pa'no po niyan si Saling?" Lalong humigpit ang pagkakahawak ni Tata Selo sa rehas. Hindi pa nakakausap ng alkalde si Tata Selo. Mag-aalas-onse na nang dumating ito, kasama ang hepe ng pulis. Galing sila sa bahay ng kabesa. Abut-abot ang busina ng dyip na kinasaksakyan ng dalawang upang mahawi ang hanggang noo'y di pa nag-aalisang tao. Tumigil ang dyip sa di-kalayuan sa istaked. "Patay po ba? Saan po ang taga?" Naggitgitan at nagsiksikan ang mga pinagpawisang tao. Itinaas ng may-katabaang alkalde ang dalawang kamay upang payapain ang pagkakaingay. Nanulak ang malaking lalaking hepe. "Saan po tinamaan?" "Sa bibig." Ipinasok ng alkalde ang kanang palad sa bibig, hinugot iyon at mariing ihinagod hanggang sa kanang punog tainga. "Lagas ang ngipin." Nagkagulo ang mga tao. Nagsigawan, nagsiksikan, naggitgitan, nagtulakan. Nanghataw ng batuta ang mga pulis. Ipinasya ng alkalde na ipalabas ng istaked si Tata Selo at dalhin sa kanyang tanggapan. Dalawang pulis ang kumuha kay Tata Selo sa istaked. "Mabibilanggo ka niyan, Tata Selo," anang alkalde pagkapasok ni Tata Selo. Umupo si Tata Selo sa silyang nasa harap ng mesa. Nanginginig ang kamay ni Tata Selo nang ipatong niya iyon sa nasasalaminang mesa. 

"Pa'no nga ba'ng nangyari?" kunot at galit na tanong ng alkalde. Matagal bago nakasagot si Tata Selo. "Binawi po niya ang aking saka, Presidente," wika ni Tata Selo. "Ayaw ko pong umalis doon. Dati pong amin ang lupang iyon, amin, po, Naisangla lamang po at naembargo-" "Alam ko na iyan," kumukupas at umiiling na putol ng nabubugnot na alkalde. Lumunok si Tata Selo. Nang muli siyang tumingin sa presidente, may nakasungaw nang luha sa kanyang malalabo at tila lagi nang may inaaninaw na mata. "Ako po naman, Presidente, ay malakas pa," wika ni Tata Selo. "Kaya ko pa pong magsaka. Makatuwiran po bang paalisin ako? Malakas pa po naman ako, Presidente, malakas pa po." "Saan mo tinaga ang Kabesa?" Matagal bago nakasagot si Tata Selo. "Nasa may sangka po ako nang dumating ang Kabesa. Nagtatapal po ako ng pitas na pilapil. Alam ko pong pinanonood ako ng kabesa, kung kaya po naman pinagbuti ko ang paggawa, para malaman niyang ako po'y talagang malakas pa, kaya ko pa pong magsaka. Walang anu-ano po, tinawag niya ako at nang ako po'y lumapit, sinabi niyang makakaalis na ako sa aking saka sapagkat iba na ang magsasaka. 'Bakit po naman, 'Besa?' tanong ko po. Ang wika'y umalis na lang daw po ako. 'Bakit po naman, 'Besa?' Tanong ko po uli, 'malakas pa po naman ako, a' Nilapitan po niya ako. Nakiusap pa po ako sa kanya, ngunit ako po'y… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod nang tinungkod." "Tinaga mo na no'n," anag nakamatyag na hepe. Tahimik sa tanggapan ng alkalde. Lahat ng tingin-may mga eskribante pang nakapasok doon-ay nakatuon kay Tata Selo. Nakayuko si Tata Selo at gagalaw-galaw ang tila mamad na daliri sa ibabaw ng maruming kutod. Sa pagkakatapak sa makintab na sahig, hindi mapalagay ang kanyang may putik, maalikabok at luyang paa. "Ang iyong anak, na kina Kabesa raw?" usisa ng alkalde. Hindi sumagot si Tata Selo. "Tinatanong ka anang hepe." Lumunok si Tata Selo. "Umuwi na po si Saling, Presidente." "Kailan?" "Kamakalawa po ng umaga." "Di ba't kinakatulong siya ro'n?" "Tatlong buwan na po." "Bakit siya umuwi?" Dahan-dahang umangat ang mukha ni Tata Selo. Naiiyak na napayuko siya. "May sakit po siya." Nang sumapit ang alas-dose-inihudyat iyon ng sunod-sunod na pagtugtog ng kampana sa simbahan na katapat lamang ng munisipyo-ay umalis ang alkalde upang mananghalian. Naiwan si Tata Selo, kasama ang hepe at dalawang pulis. "Napatay mo pala ang kabesa," anang malaking lalaking hepe. Lumapit ito kay Tata Selo na Nakayuko at di pa natitinag sa upuan. "Binabawi po niya ang aking saka." Katwiran ni Tata Selo. Sinapo ng hepe si Tata Selo. Sa lapag halos mangudngod si Tata Selo. "Tinungkod po niya ako ng tinungkod," nakatingala, umiiyak at kumikinig ang labing katwiran ni Tata Selo. Itinayo ng hepe si Tata Selo. Kinadyot ng hepe si Tata Selo sa sikmura. Sa sahig napaluhod si Tata Selo, nakakapit sa uniporment kaki ng hepe. "Tinungkod po niya ako ng tinungkod… Ay! Tinungkod po niya ako ng tinungkod ng tinungkod…" 
Sa may pinto ng tanggapan, naaawang nakatingin ang dalawang pulis. "Si Kabesa kasi ang nagrekomenda kay Tsip, e," sinabi ng isa nang si Tata Selo ay tila damit na nalaglag sa pagkakasabit nang muling pagmalupitan ng hepe. Mapula ang sumikat na araw kinabukasan. Sa bakuran ng munisipyo nagkalat ang papel na naiwan nang nagdaang araw. Hindi pa namamatay ang alikabok, gayong sa pagdating ng buwang iyo'y dapat nang nag-uuulan. Kung may humihihip na hangin, may mumunting ipu-ipong nagkakalat ng mga papel sa itaas. "Dadalhin ka siguro sa kabesera, Selo," anang bagong paligo at bagong bihis na alkalde sa matandang nasa loob ng istaked. "Don ka suguro ikukulong." Wala ni papag sa loob ng istaked at sa maruming sementadong lapag nakasalampak si Tata Selo. Sa paligid niya'y natutuyong tamak-tamak na tubig. Naka-unat ang kanyang maiitim at hinahalas na paa at nakatukod ang kanyang tila walang butong mga kamay. Nakakiling, naka-sandal siya sa steel matting na siyang panlikurang dingding ng istaked. Sa malapit sa kanyang kamay, hindi na gagalaw ang sartin ng maiitim na kape at isang losang kanin. Nilalangaw iyon. "Habang-buhay siguro ang ibibigay sa iyo," patuloy ng alkalde. Nagsindi ito ng tabako at lumapit sa istaked. Makintab ang sapatos ng alkalde. "Patayin na rin ninyo ako, Presidente." Paos at bahagya nang narinig si Tata Selo. Napatay ko po ang Kabesa. Patayin na rin ninyo po ako." Takot humipo sa maalikabok na rehas ang alkalde. Hindi niya nahipo ang rehas ngunit pinagkiskis niya ng mga palad at tiningnan niya kung may alikabok iyon. Nang tingnan niya si Tata Selo, nakita niyang lalo nang nakiling ito. May mga tao namang dumarating sa munisipyo. Kakaunti lang iyon kaysa kahapon. Nakapasok ang mga iyon sa bakuran ng munisipyo, ngunit may kasunod na pulis. Kakaunti ang magbubukid sa bagong langkay na dumating at titingin kay Tata Selo. Karamihan ay taga-Poblacion. Hanggang noon, bawat isa'y nagtataka, hindi makapaniwala, gayong kalat na ang balitang ililibing kinahapunan ang Kabesa. Nagtataka at hindi makapaniwalang nakatingin sila kay Tata Selo na tila isang di pangkaraniwang hayop na itatanghal. Ang araw, katulad kahapon, ay mainit na naman. Nang magdadakong alas-dos, dumating ang anak ni Tata Selo. Pagkakita sa lugmok na ama, mahigpit itong napahawak sa rehas at malakas na humagulgol. Nalaman ng alkalde na dumating si Saling at ito'y ipinatawag sa kanyang tanggapan. Di-nagtagal at si Tata Selo naman ang ipinakaon. Dalawang pulis ang umalalay kay Tata Selo. Halos buhatan siyang dalawang pulis. Pagdating sa bungad ng tanggapan ay tila saglit na nagkaroon ng lakad si Tata Selo. Nakita niya ang babaing nakaupo sa harap ng mesa ng presidente. Nagyakap ang mag-ama pagkakita. "Hindi ka na sana naparito Saling," wika ni Tata Selo na napaluhod. "May sakit ka, Saling, may sakit ka!" Tila tulala ang anak ni Tata Selo habang kalong ang ama. Nakalugay ang walang kintab niyang buhok, ang damit na suot ay tila yaong suot pa nang nagdaang araw. Matigas ang kanyang namumulang mukha. Pinalipat-lipat niya ang tingin mula sa nakaupong alkalde hanggang sa mga nakatinging pulis. "Umuwi ka na, Saling" hiling ni Tata Selo. "Bayaan mo na…bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi…" Tuluyan nang nalungayngay si Tata Selo. Ipinabalik siya ng alkalde sa istaked. Pagkabalik niya sa istaked, pinanood na naman siya ng mga tao. "Kinabog kagabi," wika ng isang magbubukid. "Binalutan ng basang sako, hindi ng halata." "Ang anak, dumating daw?" "Naki-mayor." Sa isang sulok ng istaked iniupo ng dalawang pulis si Tata Selo. Napasubsob si Tata Selo pagkaraang siya'y maiupo. Ngunit nang marinig niyang muling ipinanakaw ang pintong bakal ng istaked, humihilahod na ginapang niya ang rehas. Mahigpit na humawak doon at habang nakadapa'y ilang sandali ring iyo'y tila huhutukin. Tinawag siya ng mga pulis ngunit paos siya at malayo na ang mga pulis. Nakalabas ang kanang kamay sa rehas, bumagsak ang kanyang mukha sa sementadong lapag. Matagal siyang nakadapa bago niya narinig na may tila gumigising sa kanya. "Tata Selo…Tata Selo…" Umangat ang mukha ni Tata Selo. Inaninaw ng mga luha niyang mata ang tumatawag sa kanya. Iyon ang batang dumalaw sa kanya kahapon. Hinawakan ng bata ang kamay ni Tata Selo na umabot sa kanya. "Nando'n amang si Saling sa Presidente," wika ni Tata Selo. "Yayain mo nang umuwi, umuwi na kayo." Muling bumagsak ang kanyang mukha sa lapag. Ang bata'y saglit na nag-paulik-ulik, pagkaraa'y takot at bantulot nang sumunod… Mag-iikaapat na ng hapon. Padahilig na ang sikat ng araw, ngunit mainit pa rin iyon. May kapiraso nang lihin sa istaked, sa may dingding na steel matting, ngunit si Tata Selo'y wala roon. Nasa init siya, nakakapit sa rehas sa dakong harapan ng istaked. Nakatingin siya sa labas, sa kanyang malalabo at tila lagi nang nag-aaninaw na mata'y tumatama ang mapulang sikat ng araw. Sa labas ng istaked, nakasandig sa rehas ang batang Inutusan niya kanina. Sinabi ng bata na ayaw siyang papasukin sa tanggapan ng alkalde ngunit hindi siya pinakinggan ni Tata Selo, na ngayo'y hindi pagbawi ng saka ang sinasabi. Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! Ang lahat ay kinuha na sa kanila.

Mabangis na lungsod - Efren R. Abueg


Mabangis na lungsod - Efren R. Abueg

         Sadyang may mga taong malupit at mapang-api. Kung sino pa ang mahina at aba, siya pang kinakaya-kaya.
Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki't maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may bagong lunas na walang bias. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi'y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo.
Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi'y mailaw at mabawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. As sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan.Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kanyang mga bisig sa wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na gumagapang sa kanyang katawan.
"Mama... Ale, palimos na po."
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalaga ng pagmamadali ng pag-iwas.
"Palimos na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!"
Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. "Pinaghahanapbuhay 'yan ng mga magulang para maisugal." madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghindi sa kanya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas.
"May reklamo?" ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito'y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
At ang mga kamayy ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hidni nakarating sa kanyang bituka.
"Maawa na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!"
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao'y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.
Ang kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa mga taong sa kanyang kinaroroonan.
"Malapit nang dumating si Bruno..." ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa'y para sa lahat na maaring makarinig.
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpapantindig sa kanyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang mga taon malamig, walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kanyang gutom at pangamba. Kungng ilang araw na niyang nadara iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa't waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.
Ilang barya ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis, dali-daling inilagay ni Adong ang mga barya sa kanyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kanyang palad. At sa kaabalahan niya'y hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa simbahan, makita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng nagmamadaling pag-iwas.
"Adong... ayun na si Bruno" narinig niyang wika ni Aling Ebeng.
Tinanaw ni Adong ang iniguso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kanyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya sa kangina pa ay mamamatay. Mahigpig niyang kinulong sa kanyang palad ang mga baryang napagpalimusan.
"Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!" mabilis niyang sinabi sa matanda.
"Ano? naloloko ka na ba. Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!"
Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatulog pa rin sa paglalakad, sa simula'y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahad ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad. At akala niya'y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula't pa'y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa kanyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing.
"Adong!" Sinunsan iyon ng papalapit na mga yabag.
Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimadsik laban sa gutom, sa pangamba at kabangisan.
"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" Naisigaw na lamang ni Adong.

  • Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.



    source : 
    http://tl.answers.com/Q/Mabangis_na_lungsod_ni_efren_abueg

Sa Pula, Sa Puti Ni Francisco "Soc" Rodrigo






Kulas: A…hem! E, kumusta ka ngayong umaga, Celing.
Celing: Mabuti naman, Kulas. Salamat at naalala mo akong kamustahin.
Kulas: Si Celing naman, bakit naman ganyan ang sagot mo sa akin?
Celing: Sapagkat pagkidlat ng mata mo sa umaga, wala ka ng iniisip kamustahin at himasin kundi ang iyong tinali. Tila mahal mo ang tinali mo kaysa sa akin.
Kulas: Ano ka ba naman, Celing, wala ng mas mahal pa sa akin sa buhay na ito kundi ang asawa.
(Ilalagay ang kamay sa balikat ni Celing).
Celing: Siya nga ba? Ngunit kung nakikita kong hinihimas mo ang iyong tinali, ibig ko ng kung minsang mainggit at magselos.
Kulas: Ngunit Celing, alam mo namang kaya ko lamang inaalagaang mabuti ang mga tinaling ito ay para sa atin din. Sila ang magdadala sa atin ng grasya.
Celing: Grasya ba o disgrasya, gaya ng karaniwang nangyayari?
Kulas: Huwag mo sanang ungkatin ang nakaraan. Oo, ako nga'y napagtalo noong mga nakaraang araw, sapagkat noon ay hindi pa ako bihasa sa pagpili at paghimas ng manok. Ngunit ngayon ay marami na akong natutuhan, mga bagong sistema.
Celing: At noong nakaraang Linggo, noong matalo ang iyong talisain, hindi mo pa ba alam ang mga bagong sistema.
Kulas: Iyon ay disgrasya lamang, Celing, makinig ka. Alam mo, kagabi ay nanaginip ako. Napanaginipan kong ako'y hinahabol ng isang kalabaw na puti. Kalabaw na puti, Celing!
Celing: E ano kung puti?
Kulas: Ang pilak ay puti, samakatwid ang ibig sabihin ay pilak. At ako'y hinahabol…Hinahabol ako ng pilak…ng kuwarta!
Celing: Ngunit ngayon ay wala nang kuwartang pilak.
Kulas: Mayroon pa, nakabaon lang. kaya walang duda, Celing. Bigyan mo lamang ako ng limang piso ngayon ay walang salang magkakuwarta tayo.
Celing: Ngunit, Kulas, hindi ka pa ba nadadala sa mga panaginip mong iyan? Noong isang buwan, nanaginip ka ng ahas na numero 8. Ang pintakasi noon ay nation sa a-8 ng Pebrero at sabi mo'y kuwarta na ngunit natalo ka ng anim na piso.
Kulas: Oo nga, ngunit ang batayan ko ngayon ay hindi lamang panaginip. Pinag-aralan kong mabuti ang kaliskis at ang tainga ng manok na ito. Ito'y walang pagkatalo, Celing. Ipinapangako ko sa iyo, walang sala tayo ay mananalo.
Celing: Kulas, natatandaan mo bang ganyan-ganyan din ang sabi mo sa akin noong isang Linggo tungkol sa manok mong talisain? At ano ang nangyari? Nagkaulam tayo ng pakang na manok.
Kulas: Sinabi ko nang iyon ay disgrasya!
(Maririnig uli ang sigawan sa sabungan. Maiinip si Kulas).
Sige na, Celing. Ito na lamang. Pag natalo pa ang manok na ito, hindi na ako magsasabong.
Celing: Totoong-totoo?
Kulas: Totoo. Sige na, madali ka at nagsusultada na. sige na, may katrato ako sa susunod na sultada. Pag hindi ako dumating ay kahiya-hiya.
(Titingnan ni Celing ang pagkakabalisa ni Kulas at maisip na walang saysay ang pakikipagtalo pa, iiling-iling na dudukot ng salapi sa kanyang bulsa).
Celing: O, Buweno, kung sa bagay, ay tatago lamang ako ng pera. O, heto. Huwag mo sana akong sisihan kung mauubos ang kaunting pinagbilhan ng ating palay.
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Huwag kang mag-alala, Celing, ito'y kuwarta na. seguradong-segurado! O, Buweno, diyan ka muna.
(Magmamadaling lalabas si Kulas, ngunit masasalubong si Sioning sa may pintuan.)
Sioning: Kumusta ka, Kulas?
Kulas:
(Nagmamadali)
Kumusta…e…eh…Sioning didispensahin mo ako. Ako lang ay nagmamadali. Eh…este…nandiyan si Celing! Heto si Sioning. Buwena-diyan ka na.
(Lalabas si Kulas).
Sioning: Celing, ano ba ang nangyayari sa iyong asawa? Tila pupunta sa sunog.
Celing: Ay, Sioning, masahol pa sa sunog ang pupuntahan. Pupunta na naman sa sabungan.
Sioning: Celing, talaga bang…
Celing: Sandali lang ha, Sioning.
(Sisigaw sa gawing kusina).
Teban! Teban! Teban!
Teban:
(Masunurin ngunit may kahinaan ang ulo).
Ano po iyon Aling Celing?
Celing:
(Kukuha ng limang piso sa bulsa at ibibigay kay Tebang).
O heto, Teban, limang piso…Nagpunta na naman ang amo mo sa sabungan. Madali, ipusta mo ito. Madali ka at baka mahuli!
Teban:
(Nagmamadaling itinulak ni Celing sa labas).
Sioning: Ipusta ang limang piso! Ano ba ito, Celing, ikaw man ba'y naging sabungera na rin?
Celing: Si Sioning naman. Hindi ako sabungera! Ngunit sa tuwing magsasabong si Kulas ay pumupusta rin ako.
Sioning: A…Hindi ka sabungera, ngunit pumupusta ka lamang sa sabong? Hoy, Celing, ano ba ang pinagsasabi mo?
Celing: O, Buweno, Sioning, maupo ka't ipaliliwanag ko sa iyo. Ngunit huwag mo namang ipaalam kaninuman.
Sioning: Oo, huwag kang mag-alala sa akin.
Celing: Alam mo, Sioning, ako'y pumupusta sa sabong upang huwag kaming matalo.
Sioning: Ah, pumupusta ka sa sabong upang huwag kayong matalo. Celing pinaglalaruan mo yata ako.
Celing: Hindi. Alam mo'y marami kaming nawawalang kuwarta sa kasasabong ni Kulas. Nag-aalaala akong darating ang araw na magdidildil na lamang kami ng asin. Pinilit kong siya'y pigilin. Ngunit madalas kaming magkagalit. Upang huwag kaming magkagalit at huwag maubos ang aming kuwarta, ay umisip ako ng paraan. May isang buwan na ngayon, na tuwing pupusta si Kulas sa kaniyang manok ay pinupusta ko si Teban sa sabungan upang pumusta sa manok na kalaban.
Sioning:
(May kahinaan din ang ulo).
Sa anong dahilan?
Celing: Puwes, kung matalo ang manok ni Kulas ay nanalo ako. At kung ako nama'y matalo at nanalo si Kulas, kaya't anuman ang mangyari ay hindi nababawasan ang aming kuwarta.Sioning. A siya nga. Siya nga pala naman.
(Mag-uumpisang Maririnig ang sigawan buhat sa sabungan).
Celing: Hayan, nagsusultada na marahil. Naku, sumasakit ang ulo ko sa sigawang iyan.
Sioning: Ikaw kasi, eh. Sukat ka bang pumili ng bahay sa tapat ng sabungan.
Celing: Ano bang ako ang pumili ng bahay na ito. Ang gusto kong bahay ay sa tabi ng simbahan, ngunit ang gusto ni Kulas ay sa tabi ng sabungan.
Sioning:
(Lalong lalakas ang sigawan).
Ah, siya nga pala, Celing naparito ako upang ibalita sa iyo na dumating na ang rasyon ng sabon sa tindahan ni Aling Kikay. Baka tayo maubusan.
Celing: Hindi, siyempre ipagtitira tayo ni Aling Kikay. Sayang lamang ang pagkukumare namin.
(Dudungaw)
O heto na nga si Teban. Tumatakbo.
(Papasok si Teban na may hawak na dalawang lilimahin).
Teban:
(Tuwang-tuwa)
Nanalo tayo, Aling Celing, nanalo tayo!
(Ibibigay ang salapi kay Aling Celing. Agad-agad namang itatago ito.)
Celing: Mabuti Teban, o magpunta ka na sa kusina. Baka dumating na si Kulas ay mahalaga ang ating ginagawa.
(Magmamadaling lalabas si Teban).
Sioning: O, Buweno, lumakad na tayo, Celing.
(Kukunin ni Celing ang tapis niyang nakasampay sa isang silya. Aalis na sila. Papasok si Kulas na tila walang kasigla-sigla).
Celing: Ano ba, Kulas, tila hindi ka inabutan ng kalabaw na puti.
Kulas:
(Mainit ang ulo)
Huwag mo ngang banggitin iyan. Talagang ako'y malas. Celing, uyo'y disgrasya kamang. Ang aking manok ay nananalo hanggang sa huling sandali. Talagang wala akong suwerte!
Celing: Iyan ang hirap sa sugal, Kulas, walang pinaghahawakan kundi suwerte!
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na ang sabong! Ni ayaw ko nang Makita ang anino ng sabungang iyan.
Celing: Nawa'y magkatotoo na sana iyan, Kulas.
Kulas: Oo, Celing, ipinapangako ko sa iyo, hindi na ako magsasabong kailanman.
Celing: Buweno, magpalamig ka muna ng ulo. Pupunta lang kami kay Kumareng Kikay upang bumili ng sabon.
(Lalabas sina Celing at Sioning. Sisindihan ang natitirang kalahati ng sigarilyo, hihithit at pagkatapos ay ihahagis sa sahig at papadyakan. Pupunta sa isang silya at uupong may kalumbayan.)
Castor: Hoy, Kulas kumusta na?
Kulas: Ay, Castor…at lagi na lamang akong natatalo. Talagang ako'y malas! Akalain mo bang kanina'y natalo pa ako? Tingnan mo lang,
Castor. Noong magsagupaan ang mga manok ay lumundag agad ang manok ko at pinalo nang pailalim ang kalaban. Nagbuwelta pareho, at naggirian na parang buksingero. Biglang sabay na lumundag at nagsugapaan (nagsagupaan?) sa hangin. Palo diyan, palo dini ang ginawa ng aking manok. Madalas tamaan ang kalaban, ngunit namortalan. Sige ang batalya nila sa hangin, at tumaas ang balahibo. Unang lumagapak ang kalaban., patihaya. Lundag ang aking manok. Walang sugat at patayo, ngunit alam mo kung saan lumagpak?
Castor: O saan?
Kulas: Sa tari ng kalaban. Talagang ayaw ko na ng sabong.
Castor: Bakit naman? Wala pa namang maraming natatalo sa iyo.
Kulas: Ano bang walang marami? Halos, tutong na laang ang natitira sa aming natitipon.
Castor: Ngunit hindi tamang katwiran ang huwag ka nang magsabong.
Kulas: Ano bang hindi tama?
Castor: Sapagkat pag hindi ka na nagsabong ay Talagang patuluyan nang perdida ang kuwartang natalo sa iyo. Samantalang kung ikaw ay magsasabong pa maaaring makabawi!
Kulas: Hindi Castor, lalo lang akong mababaon. Tama si Celing. Ang sugal ay suwerte-suwerte lamang, at masama ang aking suwerte.
Castor: Ano bang suwerte-suwerte? Iyan ay hindi totoo. Tingnan mo ako, Kulas, ako'u hindi natatalo sa sabong.
Kulas: Mano nga lang magtigil ka Castor. Kung hindi sana nakikita na ang lahat ng manok mo ay laging nakabitin kung iuwi.
Castor: Ito si Kulas, nabastos ka na nga pala sa huwego. Oo, natatalo nga ang aking manok ngunit nananalo ako sa pustahan!
Kulas: Ngunit paano iyan?
Castor: Taong ito…pumupusta ako, hindi sa aking manok, kundi sa kalaban.
Kulas: Eh, kung magkataong ang manok mo ang manalo?
Castor: Hindi maaaring manalo ang aking manok. Ginagawan ko ng paraan.
Kulas: Hoy, Castor, maano nga lang huwag mo akong biruin. Masama ang ulo ko ngayon.
Castor: Ano bang biro ang sinasabi mo? Ito'y totoo. At kung di lamang kita kaibigan, ay hindi ko sasabihin sa iyo.
Kulas: Ngunit, Castor, paano mangyayari iyan?
Castor: Talaga bang gusto mo malaman?
Kulas: Aba, oo. Sige na.
Castor: O, Buweno, kunin mo ang isa sa iyong mga tinali at ipapaliwanag ko sa iyo.
Kulas: Kahit ba alin sa aking tinali?
Castor: Oo, kahit alin, sige, kunin mo.
(Lalabas si Kulas patungo sa kusina. Babalik na may dalang tinali.)
Kulas:
(Ibibigay ang tinali kay Castor).
O heto, Castor.
Castor: Ngayon, kumuha ng isang karayom.
Kulas: Karayom?
Castor: Oo, karayom. Iyong ipinanahi!
Kulas: Ah…
(Pupunta sa kahong kunalalagyan ng panahi ni Celing at kukuha ng isang karayom.)
O heto ang karayom.
Castor:
(Hawak ang tinali sa kaliwa at ang karayom sa kanan.)
O halika rito at magmasid ka. Ang lahat ng manok ay may litid sa paa na kapag iyong dinuro ay hihina ang paa. Tingnan mo…
(Anyong duduruin ni Castro ang hita ng tinali.)
Hayan!
(Ibababa ang tinali.)
Tingnan mo. Matuwid pang lumakad ang tinaling iyan. Walang sinumang makahahalata sa ating ginawa, ngunit mahina na ang paang ating dinuro, at ang manok na iyan ay hindi makapapalo.
Kulas: Samakatuwid ay hindi na nga maaaring manalo ang manok na iyan…Siguradong matatalo.
Castor: Natural, ngayon, ang dapat na lamang gawin ay magpunta sa sabungan…ilaban ang manok na iyan…at pumunta nang palihim sa kalaban.
Kulas: Siya nga pala. Magaling na paraan!
Castor: Nakita mo na? Ang hirap sa iyo ay hindi mo ginagamit ang ulo mo.
Kulas:
(Balisa)
Ngunit, Castor, hindi ba iya'y pandaraya?
Castor: Oo, pandaraya…ngunit po Diyos! Sino bang tao ang nagkakuwarta sa sugal na hindi gum,agamit ng daya? At bukod diyan, ay marami nang kuwartang natalo sa iyo. Ito'y gagawin mo lamang upang makabawi. Ano ang sama niyan?
Kulas: Siya nga, Castor, kung sa bagay, malaki na ang natatalo sa akin.
Castor: At akala mo kay, sa mga pagkatalo mong iyan ay hindi ka dinaya.
Kulas: Kung sa bagay…
Castor: Nakita mo na. Hindi ka mandaraya, Kulas. Gaganti ka lamang.
Kulas: Siya nga, may katwiran ka.
Castor: O…eh…ano pa ang inaantay mo? Tayo na.
Kulas: Este…Castor…eh…hintayin lamang natin si Celing, ang aking asawa.
Castor: Bakit, ano pa ang kailangan?
Kulas: Alam mo na ang aking asawa ang may hawak ng supot sa bahay na ito.
Castor: Naku, itong si Kulas! Talunan na sa sabungan ay dehado pa sa bahay…Buweno, hintayin mo siya, ngunit laki-lakihan mo ang iyong hihingin, ha? At nang makaitpak tayo ng malaki-laki.
Kulas: Oo…Este…Castor…
Castor: O, ano na naman?
Kulas: Eh…malapit na segurong dumating si Celing…alam mo'y ayaw kong Makita ka niya rito. Huwag ka sanang magagalit kung maaari lang ay umalis ka na.
Castor:
(Tatawa)
Oo…aalis na ako. Mabuti nga at nang makahanap na ako ng kareto ng manok mo. Sumunod ka agad, ha? Pagdating mo roon malalaban agad iyan.
Kulas: Buweno, diyan ka na. Laki-lakihan mo lang ang tipak ha?
(Lalabas si Castor. Ngingiti si Kulas, hihimas-himasin ang kanyang tinali, at hahangaan ang nadurong hita ng tinali. Papasok sina Celing at Sioning.)
Celing: Ano ba yan, Kulas? At akala ko ba'y Isinusumpa mo na ang sabungan?
Kulas:
(Lulundag na palapit.)
Celing, ngayon na lamang. Walang salang tayo ay makababawi.
Celing: Naku, itong si Kulas, parang presyo ng asukal. Oras-oras ay nagbabago.
Kulas: Celing Talagang ngayon na lamang! Pag natalo pa ako ay patayin mo na ang lahat ng aking tinali. Ipinangangako ko sa iyo.
Celing: Ngunit baka pangako na naman ng napapako.
Kulas: Hindi, Celing! Hayan si Sioning, siya ang testigo.
Sioning:
(Kikindatan si Celing)
Siya nga naman. Celing, bigyan mo na, ako ang testigo.
Celing: O buweno, ngunit tandaan mo, ito na lamang ha?
Kulas: Oo, Celing, itaga mo sa bato!
Celing: Magkano ba ang kailangan mo?
Kulas: Eh…dalawampung piso lamang.
Celing: Dalawampung piso?
Sioning: Susmaryosep!
Kulas: Oo, Celing. Dalawampung piso, upang tayo ay makabawi.
(Mag-aatubili si Celing).
Sioning: Sige na, Celing. Tutal ito naman ay kahuli-hulihan.
Celing: O buweno, heto.
(Bibigyan ng dalawampung piso si Kulas. Kukunin ang salapi sa baul)
Kulas:
(Kukunin ang salapi)
Ay, salamat sa iyo, Celing. Ito'y kuwarta na. Hindi ka magsisisi. O buweno, diyan na muna kayo, hane?
(Magmamadaling lalabas si Kulas na dala ang kanyang tinali).
Celing:
(Susundan ng tingin si Kulas hanggang nasa malayo na)
Teban! Teban!
Sioning: Teban, madali ka!
(Papasok si Teban buhat sa kusina)
Teban: Opo, opo, Aling Celing.
Celing: O heta ang pera. Nasa sabungan na naman ang iyong amo.
Sioning: Madali ka. Teban, ipusta mo iyan sa manok ng kalaban.
Teban:
(Magugulat sa dami ng salapi).
Dalawampung piso ito a…
Celing: Oo, dalawampung piso. Sige, madali ka na.
Teban:
(Hindi maintindihan)
ito ba'y itotodo ko?
Sioning: Oo, todo.
Teban: Opo, naku! Malaking halaga ito…
(lalabas si Teban).
Celing: Ikaw naman, Sioning, bakit inayunan mo pa si Kulas?
Sioning: Hindi bale. Tutal, wala naman kayo sa pagkatalo.
Celing: Kung sa bagay. Ngunit hindi lamang ang kuwarta ang aking ipinagdaramdam.
Sioning: Eh ano pa?
Celing: Ang iba pang masasamang bunga ng bisyo…Sioning, alam mo namang ang bisyo ay nagbubuntot. Karaniwang kasama ng bisyo a ng pandaraya, pagnanakaw…at kung anu-ano pa.
Sioning: Ngunit nangako naman si Kulas na ito na ang huli.
Celing: Oo nga, ngunit isulat mo sa tubig ang pangakong iyan.
(Lalong lalakas ang sigawan)
Sioning: Ang hirap sa iyo, Celing, e…hindi mo tigasan ang loob mo. Tingnan mo ako. Noong ang aking asawa ay hindi makatkat sa monte, pinuntahan ko siya isang araw sa kanilang klub at sa harap ng lahat minura ko siya mula ulo hanggang talampakan. E, di mula noo'y hindi na siya nakalitaw sa klub.
Celing: Ngunit natatandaan mo ba Sioning na ikaw nama'y hindi nakalabas ng bahay nang may limang araw, hindi ba dahil sa nangingitim ang buong mukha mo?
Sioning: Oo nga, ngunit iyon ay sandali lamang. Pagkaraan niyon ay esta bien, tsokolate na naman kami.
Celing: Hindi ko yata magagawa iyon. Magaan pa sa akin ang magtiis lamang.
(Agad huhupa ang sigawan).
Sioning: Ayan, tila tapos na ang sultada. Sino kaya ang nanalo?
Celing: Malalaman natin pagdating ni Teban. Siya'y umuwi agad, upang huwag silang mag-abot ni Kulas.
Sioning: Celing, mag-iingat ka naman sa pagtitiwala ng pera kay Teban.
Celing: Huwag mong alalahanin si Teban. Siya'y mapagkakatiwalaan.
Sioning: Siya nga, ngunit tandaan mong ang kuwarta ay Mainit kapag nasa palad na ng tao.
Celing: Huwag kang mag-alala…
(Papasok si Teban)
Teban:
(Walang sigla)
Aling Celing, natalo po tao.
Celing: A, natalo. O hindi bale. Tutal nanalo naman si Kulas. Buweno, Teban, magpunta ka na sa kusina at baka dumating ang iyong amo.
(Lalabas si Teban)
Sioning: Talagang magaan ang paraan mong iyan, Celing.
Celing:
(Nalulungkot)
Siya nga.
Sioning: O, Celing bakit ka malungkot?
Celing: Dahil sa nanalo si Kulas.
Sioning: O, e ano ngayon. Kay nanalo si Kulas, kay manalo ka, hindi naman mababawasan ang iyong kuwarta. At ikaw pa rin lamang ang maghahawak ng supot.
Celing: Oo nga, ngunit ang alaala ko'y…Ngayong manalo si Kulas, lalo siyang maninikit sa sabungan.
(Papasok si Kulas na nalulumbay).
Kulas: Ay, Celing, Talagang napakasama ng aking suwerte! Hindi na ako magsasabong kailanman.
Sioning: Ha?
Celing: Ano kamo?
Kulas: Talagang buwisit ang sabong! Isinusumpa ko na!
Celing: Ngunit, Kulas hindi ba't nanalo ka?
Kulas: Hindi, natalo na naman ako! At natodas ang dalawampung piso!
Celing:
(May hinala)
Kulas, huwag mo sana akong ululin. Alam kong nanalo ka.
Kulas: Sino ba ang may sabi sa iyong ako'y nanalo? Bakit ba ako nakinig sa buwisit na si Castor.
Celing: Kulas, hindi mo ako makukuha sa drama. Isauli mo rito ang dalawampung piso.
Kulas: Diyos na maawain, saan ako kukuha?
Celing:
(Lalo pang maghihinala)
Teka, baka kaya ikaw Kulas, ay mayroon nang kulasisi…at ipinatuka ang dalawampung piso.
Kulas: Celing, ano bang kaululan ito? Isinusumpa kong natalo ang dalawampung piso. Sino baga ang nagkwento sa iyo na ako'y nanalo.
Celing: Si Teban. Nanggaling siya sa sabungan.
Sioning:
(Magliliwanag ang mukha)
A teka, Celing, baka si Teban ang kumupit ng kuwarta.
Celing: Siya nga pala.
Sioning: Sinabi ko na sa iyo, huwag kang masyadong magtitiwala.
(Pupunta si Celing sa pintuan ng kusina).
Celing: Teban! Teban!
(Lalabas si Teban)
Teban: Ano po iyon?
Celing: Teban, hindi ko akalain na ikaw ay magnanakaw.
Teban: Magnanakaw? Ako? Bakit po?
Celing: At bakit pala? Isauli mo rito ang pera.
Teban: Alin pong pera?
Celing: Ang dalawampung pisong dala mo sa sabungan kanina.
Teban: Aba e, natalo po, e.
Celing: Sinungaling! Ano bang natalo! Kung natalo ka, nanalo sana si Kulas. Ngunit natalo sa Kulas, samakatuwid nanalo ka.
Teban:
(Hindi maintindihan)
Ha? Ano po? Kung ako'y natalo…ay…
Kulas: 'Tay kayo. Tila gumugulo ang salitaan. Teban, ikaw ba'y pumusta sa sabong kanina?
Teban: Opo.
Kulas: Saan ka nagnakaw ng kuwarta?
Teban: Kay Aling Celing po.
Kulas: Ha? Nagnakaw ka kay Aling Celing?
Teban: E…hindi po. Pinapusta po ako ni Aling Celing.
Kulas: A, ganoon! Hoy, Celing pinipigilan mo ako sa pagsabong, ha? Ikaw pala'y sabungerang pailalim.
Sioning: Hindi, Kulas, pumupusta lamang si Celing sa kalaban ng manok mo.
Kulas:
(kay Celing)
A…at ako pala'y kinakalaban mo pa, ha?
Celing: Huwag kang magalit, Kulas. Ako'y pumupusta sa manok na kalaban para kahit ikaw ay manalo o matalo ay hindi tayo
awawalan.
Kulas: Samakatuwid, kahit pala manalo ang aking manok ay bale wala rin.
Sioning: Siya nga at kahit naman matalo ay bale mayroon din.
Kulas: E, sayang lamang ang kahihimas at kabubuga ko ng usok sa manok. Ako pala'y parang ulol na…
Celing: Teka muna. Ang liwanagin muna natin ay ang dalawampung piso. Teban, saan mo dinala ang pera?
Kulas: Celing, ako man ay natalo sa pinupustahan sapagkat sa manok ng kalaban din ako pumusta.
Sioning: Naku, at lalong nag-block out.
Celing:
(Kay Kulas)
Pumusta ka sa kalaban ng manok mo?
Kulas: Oo, alam mo'y pinilayan ko ang aking tinali upang seguradong matalo at pumusta ako sa manok ng kalaban. Ngunit, kabibitiw pa lamang ay tumakbo na ang diyaskeng manok ng kalaban at nanalo ang aking manok.
Celing: A…gusto mong maniyope? Ikaw ngayon ang matitiyope
(Tatawa)
Kulas: Aba, at nagtawa pa.
Sioning: Siyanga. Bakit ka nagtatawa, Celing?
Celing:
(Tumatawa pa)
Sapagkat ako'y tuwang-tuwa, Sioning, dito ka maghapunan mamayang gabi. At anyayahon mo sina Kumareng Kikay at ang iba pang kaibigan. Ako'y maghahanda.
Kulas: Ha! Maghahanda?
Celing: Oo, Teban, ihanda mo ang mga palayok, ha? At hiramin mo ang kaserola ni Ate Nena.
Teban: Opo, opo.
(Lalabas sa pintuan ng kusina)
Kulas: Ngunit paano tayo maghahanda? Ngayon lang ay natalunan tayo ng mahigpit apatnapung piso.
Celing: Hindi bale. Ibig kong ipagdiwang ang iyong huling paalam sa sabungan.
Kulas: Huling paalam?
Celing: Oo, sapagkat ikaw ay nangako at nanumpa at bukod diyan hindi na tayo kailangang bumili pa ng ulam.
Kulas: Bakit?
Celing: Mayroon pang anim na tinali sa kulungan. Aadobohin ko ang tatlo at ang tatlo ay sasabawan.
(Tatawa sina Sioning at Celing. Hindi tatawa si Kulas ngunit pagkailang saglit ay tatawa rin siya. Mag-uumpisa na naman ang sigawan sa sabungan ngunit makikita sa kilos ni Kulas na kailanman ay hindi na siya magsasabong.)
Source : http://markjan-markjan.blogspot.com/2009/03/sa-pula-sa-puti-ni-francisco-soc.html

Buod ng Banaag at Sikatni Lope K. Santos


Buod ng Banaag at Sikatni Lope K. Santos


Ang buod ng kasaysayan ng Banaag at Sikat ay lumiligid sa mga adhikain at paninindigan ng dalawang magkaibigang sina Felipe at Delfin. Si Felipe ay anak ng isang mayamang presidente ng isang bayan sa Silangan. Dahil sa kanyang pagkamuhi sa mga paraan ng pagpapayaman ng kanyang ama at sa kalupitan nito sa mga maralitang kasama sa bukid at sa mga utusan sa bahay ay tinalikdan niya ang kanilang kayamanan, pumasok na manggagawa sa isang palimbagan, at nanligaw sa isang maralita ngunit marangal na dalaga, si Tentay. Samantala, siya’y nakatira sa isang bahay ng amang-kumpil na si Don Ramon sa Maynila. Ang mga paraan ni Don Ramon sa pagpapayaman, ang kanyang mababang pagtingin sa mahihirap at ang pag-api niya sa mga pinamumunuan ay nakapagpalubha sa pagkamuhi ni Felipe sa lahat ng mayayaman at nagpapatibay sa kanyang pagiging anarkista.

Pinangarap niya ang araw na mawawala ang mga hari, punumbayan at alagad ng batas, ang lahat ng tao’y magkakapantay-pantay at magtatamasa ng lubos na kalayuan at patas na ginhawa sa buhay.

Nang pilitin ng ama na umuwi sa kanilang bayan, siya’y sumunod. Subalit itinuro niya sa mga kasama sa bukid at sa mga katulong sa bahay ang kanilang karapatan. Sa galit ng ama, siya’y pinalayas at itinakwil bilang anak. Nagbalik siya sa dating pinapasukan sa Maynila at hinikayat si Tentay na pumisan sa kanya kahit di kasal, sapagkat tutol siya sa mga seremonyas at lubos na naniniwala sa malayang pag-ibig.

Si Delfin ay hindi anarkista kundi sosyalista. Hindi niya hinangad na mawala ang pamahalaan ngunit katulad ni Felipe ay tutol siya sa pagkakaipon ng kayamanan sa ilang taong nagpapasasa sa ginhawa samantalang libu-libo ang nagugutom, nagtitiis at namamatay sa karalitaan. Tutol din siya sa pagmamana ng mga anak sa kayamanan ng mga magulang. Siya’y isang mahirap na ulilang pinalaki sa isang ale (tiya). Habang nag-aaral ng abogasya ay naglilingkod siya bilang manunulat sa isang pahayagan. Kaibigan siya at kapanalig ni Felipe, bagamat hindi kasing radikal nito.

Nais ni Felipe ang maagang pagtatamo ng kanilang layunin, sukdang ito’y daanin sa marahas na paraan, samantalang ang hangad ni Delfin ay dahan-dahang pag-akay sa mga tao upang mapawi ang kamangmangan ng masa at kasakiman ng iilang mayayaman, sa pamamagitan ng gradwal na pagpapasok sa Pilipinas ng mga simulain ng sosyalismo.

Si Don Ramon ay may dalawang anak na dalaga at isang anak na lalaking may asawa na. Ang mga dalaga’y sina Talia at Meni. Si Talia ay naibigan ng isang abogado, si Madlanglayon. Ang kasal nila’y napakarangal at napakagastos, isang bagay na para kina Felipe at Delfin ay halimbawa ng kabukulan ng sistema ng lipunan na pinangyayarihan ng mayayamang walang kapararakan kung lumustay ng salapi samantalang libu-libong mamamayan ang salat na salat sa pagkain at sa iba pang pangunahing pangangailangan sa buhay.

Sa tulong ni Felipe noong ito’y nakatira sa bahay ni Don Ramon, nakilala at naibigan ni Delfin si Meni. Si Don Ramon ay tutol sa pangingibig ni Delfin sa kanyang anak; dahil ito’y maralita, at ikalawa, dahil tahasang ipinahayag nito ang kanyang pagkasosyalista sa isang pag-uusap nilang dalawa sa isang paliguan sa Antipolo. Ang pagtutol na ito ay walang nagawa. Nakapangyari ang pag-ibig hanggang sa magbinhi ang kanilang pagmamahalan.

Nang mahalata na ni Talia at ni Madlanglayon ang kalagayan ni Meni, hindi nila ito naipaglihim kay Don Ramon. Nagalit si Don Ramon; sinaktan nito si Meni at halos patayin. Sa amuki ni Madlanglayon, pumayag si Don Ramon na ipakasal si Meni kay Delfin, Subalit nagpagawa ng isang testamento na nag-iiwan ng lahat ng kayamanan sa dalawa niyang anak; si Meni ay hindi pinagmanahan.

Si Meni ay nagtiis sa buhay-maralita sa bahay na pawid na tahanan ni Delfin. Paminsan-minsan, kung mahigpit ang pangangailangan, nagbibili siya ng mga damit o nagsasangla ng kanyang mga alahas noong dalaga pa. Ito’y labis na dinaramdam at ikinahiya ni Delfin at ng kanyang ate, subalit wala naman silang maitakip sa pangangailangan.

Sa simula, si Meni ay dinadalaw ng dalawang kapatid, lalo na si Talia, at pinadadalhan ng pera at damit. Subalit ang pagdalaw ay dumalang nang dumalang hanggang tuluyang mahinto, ay gayon din ang ipinadadalang tulong. Samantala, si Don Ramon, sa laki ng kanyang kahihiyan sa lipunan dahil sa kalapastangang ginawa ni Meni at ni Delfin, ay tumulak patungong Hapon, Estados Unidos at Europa, kasama ang isang paboritong utusan. Wala na siyang balak bumalik sa Pilipinas. Nakalimutan niya ang pagwasak na nagawa niya sa karangalan ng maraming babae na kanyang kinasama; ang tanging nagtanim sa kanyang isip ay ang pagkalugso ng sariling karangalan sa mata ng lipunan dahil sa kagagawan ni Meni.

Samantala, nagluwal ng isang sanggol na lalaki si Meni. Sa pagnanais na makapaghanda ng isang salu-salo sa binyag ng kanyang anak, susog sa mga kaugalian, si Meni ay nagsangla ng kanyang hikaw, sa kabila ng pagtutol ni Delfin na tutol sa lahat ng karangyaan. Ang ninong sa binyag ay si Felipe na hindi lamang makatanggi sa kaibigan, subalit kontra rin sa seremonyas ng pagbibinyag. Bilang anarkista ay laban siya sa lahat ng pormalismo ng lipunan. Sa karamihan ng mga pangunahing dumalo, kumbidado’t hindi, ay kamuntik nang kulangin ang handa nila Delfin, salamat na lamang at ang kusinero ay marunong ng mga taktikang nakasasagip sa gayong pangyayari.

Ang kasiyahan ng binyagan ay biglang naputol sa pagdating ng isang kablegrama na nagbabalitang si Don Ramon ay napatay ng kanyang kasamang utusan sa isang hotel sa New York. Nang idating sa daungan ang bangkay, sumalubong ang lahat ng manggagawa sa pagawaan ng tabako sa atas ni Don Felimon, kasosyo ni Don Ramon, na nagbabalang hindi pasasahurin sa susunod na Sabado ang lahat ng hindi sasalubong.

Kasama sa naghatid ng bangkay sa Pilipinas si Ruperto, ang kapatid ni Tentay na malaon nang nawawala. Pagkatapos makapaglibot sa Pilipinas, kasama ng isang Kastilang kinansalaan niya sa maliit na halaga, siya’y ipinagbili o ipinahingi sa isang kaibigang naglilingkod sa isang tripulante. Dahil dito, nakapagpalibot siya sa iba’t ibang bansa sa Aprika at Europa, at pagkatapos ay nanirahan sa Cuba at California, at sa wakas ay namalagi sa New York. Doon siya nakilala at naging kaibigan ng utusang kasama ni Don Ramon na naninirahan sa isang hotel na malapit sa bar na kanyang pinaglilingkuran. Si Ruperto ang nagsabi kay Felipe na kaya pinatay si Don Ramon ay dahil sa kalupitan nito sa kanyang kasamang utusan.

Ang libing ni Don Ramon ay naging marangya, kagaya ng kasal ni Talia. Hanggang sa libingan ay dala-dala pa ng mayamang pamilya ni Don Ramon ang ugali ng karangyaan ng pananalat at paghihirap ng maraming mamamayan. Sa libingan ay Naiwan sina Delfin at Felipe na inabot ng talipsilim sa pagpapalitan ng kuro-kuro at paniniwala.

Naalaala ni Felipe ang kaawa-awang kalagayan ng mga kasama’t utusan ng kanyang ama. Nasambit ni Delfin ang kawalang pag-asa para sa maralitang mga mamamayan habang namamalagi sa batas ang karapatan ng mga magulang na magpamana ng yaman at kapangyarihan sa mga anak. Nagunita nila ang laganap na kamangmangan at mga pamahiin, ang bulag na pananampalataya. Kakailanganin ang mahaba at walang hanggang paghihimagsik laban sa mga kasamang umiiral. Marami pang bayani ang hinihingi ang panahon. Kailangang lumaganap ang mga kaisipang sosyalista, hindi lamang sa iisang bansa kundi sa buong daigdig bago matamo ang tunay at lubos na tagumpay. Napag-usapan nina Felipe at Delfin ang kasaysayan ng anarkismo at sosyalismo – ang paglaganap nito sa Europa, sa Aprika, at sa Estados Unidos. Sinabi ni Felipe na ang ilang buhay na napuputi sa pagpapalago ng mga ideyang makamaralita ay kakaunti kung ipaparis sa napakamaraming tao na araw araw ay pinahihirapan. Subalit matigas ang paninindigan ni Delfin laban sa ano mang paraang magiging daan ng pagdanak ng dugo.

Sa kabila ng pagkakaibang ito ng kanilang paninindigan ay nagkaisa sila sa pagsasabi, sa kanilang pag-alis sa libingan, noong gumagabi na, “Tayo na: iwan nati’t palipasin ang diin ng gabi."

Ang Luha ni Rufino Alejandro


Ang Luha
ni Rufino Alejandro




Wala unang pagsisisi, ito'y laging nasa huli.Daloy aking luha…Daloy aking luha, sa gabing malalim.

Sa iyong pag-agos, ianod mo lamang ang aking damdamin, hugasan ang puso—yaring abang pusong luray sa hilahil, nang gumaan-gumaan ang pinapasan ko na libong tiisin!

Nang ako'y musmos pa at bagong namukad yaring kaisipan, may biling gayari si Ama't si Ina bago sumahukay. "Bunso, kaiingat sa iyong paglakad sa landas ng buhay ang ikaw'y mabuyo sa gawang masama'y dapat mong iwasan."

Nang ako'y lumaki, ang pahat kong isip ay biglang nagpakpak, ng kapalalua't ang aral ni Ama't ni Ina'y hinamak; sa maalong dagat ng buhay sa mundo'y nag-isang lumayag, iniwan sa pampang ang timbulang baon na aking tinanggap!

Malayang tumungga sa sarong may lason ng kaligayahan na itong huli na'y nakilalang alak na nakamamatay. Ang pinagbataya'y dapat magpasasa sa kasalukuya't isang "Bahala na!" ang tanging iniukol sa Kinabukasan!

Kaya naman ngayon, sa katandaan ko ay walang nalabi kundi ang lasapin ang dita ng isang huling pagsisisi; tumangis sa labi ng sariling hukay ng pagkadugahi't iluha ang aking palad na nasapit na napakaapi!
Daloy, aking luha…Dumaloy ka sa ngayon at iyong hugasan ang pusong nabagbag sa pakikibaka sa dagat ng buhay; ianod ang dusang dulot ng tinamong mga kabiguan. Nang yaring hirap ko't susun-susong sakit ay gumaan-gaan!

Buod ng Noli me Tangere


Buod ng Noli Me Tangere




Si Crisostomo Ibarra ay isang binatang Pilipino na pinag-aral ng kanyang ama sa Europa. Pagkatapos ng pitong taong pamamalagi roon ay nagbalik ito sa Pilipinas. Dahil sa kanyang pagdating ay naghandog si Kapitan Tiyago ng isang salo-salo kung saan ito ay dinaluhan nina Padre Damaso, Padre Sibyla, Tinyente Guevarra, Donya Victorina at ilang matataas na tao, sa lipunan Kastila. Sa hapunang iyon ay hiniya ni Padre Damaso na siyang dating kura ng San Diego, ang binata ngunit ito'y hindi na lamang niya pinansin at magalang na nagpaalam at nagdahilang may mahalagang lalakarin.
Si Ibarra ay kasintahan ni Maria Clara. Siya kilala bilang anak-anakan ni Kapitan Tiyago, isang mayamang taga-Binundok. Ang binata ay dumalaw sa dalaga kinabukasan at sa kanilang pag-uulayaw ay di nakaligtaang gunitain ang kanilang pagmamahalan simula pa sa kanilang pagkabata. Di nakaligtaang basahing muli ni Maria Clara ang mga liham ng binata sa kanya bago pa man ito mag-aral sa Europa. Bago tumungo si Ibarra sa San Diego ay ipinagtapat sa kanya ni Tinyente Guevarra ng Guardia Sibil ang tungkol sa pagkamatay nga kanyang amang si Don Rafael, ang mayamang asendero sa bayang yaon.
Ayon sa Tinyente, si Don Rafael ay pinaratangan ni Padre Damaso, na Erehe at Pilibustero, gawa ng di nito pagsisimba at pangungumpisal. Nadagdagan pa ng isang pangyayari ang paratang na ito. Minsan ay may isang maniningil ng buwis na nakaaway ng isang batang mag-aaral, nakita ito ni Don Rafael at tinulungan ang bata, nagalit ang kubrador at sila ang nagpanlaban, sa kasamaang palad ay tumama ang ulo ng kastila sa isang bato na kanyang ikinamatay. Ibinintang ang pagkamatay na ito ng kubrador kay Don Rafael, pinag-usig siya, nagsulputan ang kanyang mga lihim na kaaway at nagharap ng iba-ibang sakdal. Siya ay nabilanggo at ng malapit nang malutas ang usapin ay nagkasakit ang matanda at namatay sa bilangguan. Di pa rin nasiyahan si Padre Damaso sa pangyayaring iyon. Inutusan niya ng tagapaglibing na hukayin ang bangkay ni Don Rafael sa kinalilibingan nitong sementeryo para sa katoliko at ibaon sa libingan ng mga Intsik at dahil umuulan noon at sa kabigatan ng bangkay ay ipinasya ng tagapaglibing na itapon na lamang ito sa lawa.
Hindi binalak ni Ibarra ang maghiganti sa ginawang kabuktutang ito ni Padre Damaso at sa halip ay ipinagpatuloy ang balak ng kanyang ama na magpatayo ng paaralan.
Sa pagdiriwang ng paglalagay ng unang bato ng paaralan ay kamuntik nang mapatay si Ibarra kung hindi siya nailigtas ni Elias. Sa paglagpak ng bato habang ito'y inihuhugos ay hindi si Ibarra ang nasawi kundi ang taong binayaran ng lihim na kaaway ng binata.
Sa pananghaliang inihandog ni Ibarra pagkatapos ng pagbabasbas ay muling pinasaringan ni Padre Damaso ang binata, hindi na lamang niya sana ito papansinin subalit nang hamakin ang alaala ng kanyang ama ay hindi na siya nakapagpigil at tinangkang saksakin ang pari, salamat na lamang at napigilan ito ni Maria Clara.
Dahil sa pangyayaring ito ay itiniwalag o ineskomonyon si Ibarra ng Arsobispo ng simbahang Katoliko Romano. Sinamantala ito ni Padre Damaso upang utusan si Kapitan Tiyago na sirain ang kasunduan sa pagpapakasal nina Ibarra at Maria Clara. Nais ng pari na ang mapangasawa ng dalaga ay si Linares na isang binatang kastila na bagong dating sa Pilipinas.
Dahil sa pagkasindak sa gumuhong bato noong araw ng pagdiriwang si Maria Clara'y nagkasakit at naglubha. Dahil sa ipinadalang gamot ni Ibarra na siya namang ipinainom ni Sinang gumaling agad ang dalaga.
Sa tulong ng Kapitan Heneral ay napawalang-bisa ang pagkakaeskomulgado ni Ibarra at ipinasya ng arsobispo na muli siyang tanggapin sa simbahang Katoliko. Ngunit, nagkataon noong sinalakay ng mga taong pinag-uusig ang kwartel ng sibil at ang napagbintangang may kagagawan ay si Ibarra kaya siya ay dinakip at ibinilanggo. Wala talagang kinalaman dito ang binata sapagkat nang kausapin siya ni Elias upang pamunuan ang mga pinag-uusig ay tahasan siyang tumanggi at sinabing kailanman ay hindi siya maaring mamuno sa mga taong kumakatawan sa bayan.
Napawalang-bisa ang bintang kay Ibarra sapagkat sa paglilitis na ginawa ay walang sino mang makapagsabi na siya'y kasabwat sa kaguluhang naganap. Subalit ang sulat niya kay Maria Clara na napasakamay ng hukuman ang siyang ginawang sangkapan upang siya'y mapahamak.
Nagkaroon ng handaan sa bahay nina Kapitan Tiyago upang ipahayag ang kasunduan sa pagpapakasal ni Maria Clara kay Linares at samantalang nagaganap ito ay nakatakas ni Ibarra sa bilangguan sa tulong ni Elias.
Bago tuluyang tumakas ay nagkaroong ng pagkakataon si Ibarrang magkausap sila ng lihim ni Maria Clara,. Anya'y ipinagkaloob na niya rito ang kalayaan at sana'y lumigaya siya at matahimik na ang kalooban. Ipinaliwanag ni Maria Clara na ang liham na kanyang iniingatan at siyang ginamit sa hukuman ay nakuha sa kanya sa pamamagitan ng pagbabanta t pananakot. Ippinalit sa mga liham na ito ang dalawang liham na isinulat ng kanyang ina bago siya ipanganak na nakuha ni Padre Salvi sa kumbento at dito nasasaad na ang tunay niyang ama ay si Padre Damaso.
Sinabi niya kay Ibarra na kaya siya pakakasal kay Linares ay upang ipagtanggol ang karangalan ng kanyang ina subalit ang pag-iibig niya saa binata ay di magbabago kailanman.
Samantala, tumakas na si Ibarra sa tulong ni Elias. Sumakay sila ng bangka, pinahiga si Ibarra at tinabunan ng damo at pagkatapos ay tinunton ang ilog Pasig hanggang makarating sa Lawa ng Bay. Ngunit naabutan sila ng mga tumutugis sa kanila. Inisip ni Elias na iligaw ang mga ito kaya naisipan niyang lumundag sa tubig kung saan inakalang si Ibarra ang tumalon kaya hinabol at pinaputukan siya ng mga sibil hanggang mahawi ang bakas ng pagkakalangoy at magkulay-dugo ang tubig.
Nakarating sa kaalaman ni Maria Clara na si Ibarra'y napatay ng mga Sibil sa kanyang pagtakas. Ang dalaga'y nalungkot at nawalan ng pag-asa kaya't hiniling niya kay Padre Damaso na siya'y ipasok sa kumbento ng Santa Clara upang magmadre. Napilitang pumayag ang pare sapagkat tiyakang sinabi ng dalaga na siya'y magpapakamatay kapag hindi pinagmadre.
Noche Buena nang makarating si Elias sa maalamat na gubat ng mga Ibarra, sugatan at nanghihina na doon niya nakatagpo si Basilio at ina nitong wala nang buhay.
Bago siya nalagutan ng hininga ay sinabing, namatay siyang hindi nakikita ang pagbubukang-liwayway ng kanyang bayan at makakikita ay huwag sanang kalilimutan ang mga nangamatay dahil sa pagtatanggol sa bayan.